Monday, November 14, 2011

Makabagong Demonyo



Pumipintig ang tenga ko sa galit. Nagpupuyos na naman ang aking damdamin dahil sa gawi ng ibang taong tila hindi napagisipang mabuti. Nais kong isambulat sa lahat ang aking pagkainis para maisampal sa kanila ang katotohan. Katotohanang kailanma’y hindi dapat ipagmadamot. Katotohanang dapat ipasilip at ipaliwanag. Kusa na silang lumalabas, kusa nang umaapaw sa utak ko ang mga salitang kanina ko pa nais isiwalat, tumatakbo sa aking katawan ang lahat ng sobrang hinanakit, at ngayon, ang kamay ko na ang kusang kumikilos para malaman niyo lang ang nais kong sambitin, na kahit hindi direktang manggagaling sa bibig ko ay nagpupumilit pa ring tumama sa pagkatao ng ibang WALANG PAKIALAM SA PAKIRAMDAM NG IBA‼ Sana makailag ka. 

Sa mundong ito, napakarami nang unyango, mga pilit nakikibagay sa iba at tinatago ang bawat kulay na dala nila. Bakit ba may mga taong kailangan pang manira ng iba, magsiwalat ng mga sikretong hindi naman na dapat pagusapan pa? Madaya ang mundo, kasi minsan kung sino pa ang mga tinuturing nating kaibigan sila pa mismo ang maglalaglag sa atin. Sila pa ang hahatak sa atin para tuluyang bumagsak sa ilog ng pagkasadlak. 

Sa araw araw na buhay, nagtataka ako. Ano nga ba ang kaligayahang dulot ng paninira ng iba? Ng pangungutya? Ng pangaapi? Ng pagtsitsismisan? “Ui‼ Buntis daw si ano.. Nabalitaan niyo na ba? Two weeks daw. Grabe‼ Akalain niyo yun?” Ilan lang iyan sa mga sasalubong sa iyo kapag dumaan ka sa sulok sulok ng paaralang kung nagsasalita lang ay naibulalas na rin ang mga inpormasyong di na dapat ipinangangalandakan pa. E ano naman kung buntis si ganto? Na nagalaw ni ano si ano? Tama bang nadukdok na sa mapait na parte ng buhay ang isang tao ay pilit pa natin siyang ilulublob sa kahihiyan? 

Umiinog ang mundo at patuloy ang mga nangyayaring pagbabago. Bawat galaw mo, panigurado, isang tagpo na naman ng buhay ang pwedeng maglaho at mapalitan ng isa pang tagpo, maaaring maganda, maaaring hindi. Minsan, may mga panahon na kailangan nating magisip at pilit ipaunawa sa bawat hibla ng utak ang mga bagay na ginagawa natin. Hindi ba natin naisip na minsan, kung sino pa ang mga tinuturing nating mga taong mapagiimbakan natin ng mga sikreto ay sila pang magsisiwalat ng mga iyon? Masakit isipin at mahirap malirip ang katotohanan pero iyon ang nararapat. May mga taong akala natin ay anghel ngunit mas matindi pa sa demonyo kung magsalita ng laban sa kapwa. Yumayanig ang bawat laman ng kanilang labi habang binibitawan ang mga salitang tumutusok hanggang sa kaloob looban ng iyong katawan. Dinadaig pa nila ang mga kaibigan ni Lucifer kung isiwalat ang katotohanang hindi naman nila kakukuhaan ng kabutihan para sa sarili. Bakit nga kaya kailangan pang manira ng ibang tao? Nakagagaan ba ng pakiramdam kung sakaling masabi nating ayaw natin ang mga prof natin? Na masyadong masama ang talas ng dila ng ating kaklase? Na masyado nang halata na hindi tunay na lalaki si ano? At si tomboy nama’y nakita natin sa burol na kasama si ano at nakikipaghalikan? Oo, minsan naging biktima rin nila ako. Naging kasapi rin ako ng makabagong demonyo ng lipunan ngunit pinigilan ko at nilabanan. 

Ngayon, hindi ka ba namumutla sa mga pinagsasasabi mo? Sino ngayon ang may baho sa ugali? Sino ngayon ang may umaalingasaw na masangsang na amoy dahil sa kanyang mga ginagawa? Ikaw hindi ba? 

Magisip isip ka dahil hindi mo alam, hindi lang ang Diyos ang nakatingin sa iyo kundi pati na rin ang demonyo na matutunton sa daang tinatahak mo… at kung sakali mang hindi ka magbabago… handa ka na bang mayakap siya’t makasama habang buhay? Muli.. magisip ka. 

Sunday, November 6, 2011

Bakit ka Ganyan?




Kamusta naman ang araw mo? Masaya ka ba ngayon? O baka naman mali ako.. malungkot ka kaya? Hayyy.. Ganyan talaga ang buhay. Mahirap intindihin. Maaari ngang masaya ka ngayon pero maya maya naman ay magiging malungkot ka. Alam kong naiinis ka nang isipin, naiinis ka nang unawain at higit sa lahat nahihirapan ka nang pigilin ang mga damdamin na nararamdaman mo. Minsan, may mga pagkakataon na gusto mo nang sumuko kapag nahihirapan ka, hindi ba? Minsan naman kapag may nararanasan kang masayang bagay, lagi mong hinihiling na sana tumagal ang pagkakataon na iyon. Pero bakit nga kaya ganun? Minsan, pakiramdam mo, mas marami pang mga pangit na bagay ang nangyayari sa iyo imbes na magaganda? Bakit kaya hindi mo man lang makamit ang mga bagay na nais mong makuha? Bakit kaya ang ibang tao masaya sa kung ano ang meron sila ngayon, pero bakit ikaw, hindi ka pa rin kuntento sa kung ano ang meron ka? Bakit nga kaya?

Ikaw, na nabubuhay dito sa mundo ay binigyan ng pagkakataon na mabuhay ng malaya, hindi ba?  Nagagawa mo naman ang mga naisin mo lalo na kapag walang taong humahadlang sayo pero napag iisipan mo ba lahat ng bagay na ginagawa mo? Naiisip mo ba kung tama lahat ng mga bagay na iyon na porke’t walang pumipigil sa iyo sa ginagawa mo?

Masaya kang namumuhay noong bata ka pa. Marami pa nga ang pagkakataon na magkasama tayo. Diba lagi ka pa ngang nasa tahanan ko? Tahimik kang nakaupo at tikom ang iyong bibig habang mataimtim akong kinakausap at nakatiklop pa ang kamay mo. Alam mo ba? Alam mo bang matagal ko nang hinihintay na gawin mong muli iyon? Ang ako ay bisitahin mo kahit minsan lang? At sana man lang sa pagkakataon na ako ay bibisitahin mo, sana man lang ako nga ang nasa isip mo.

Ngayon, malaki ka na. Nakatulong na ako ng marami sayo, pero balewala sa akin iyon dahil mahal na mahal kita.  Pero bakit? Bakit ka nagkakaganyan? Bakit ibang iba ka na? Minsan, nasaan ka? Nasa tsismisan kasama ang mga tinuturing mong kaibigan? Para saan? Para pag usapan ang ibang tao tungkol sa mga kamaliang nagagawa nila? Bakit? May mababago ba sa kanila kung sakali mang pagtsismisan mo sila? Nakakabahala na ang ginagawa mo.. nakakalungkot. Minsan, iniisip ko na lang na nagagawa mo ang mga iyon dahil wala kang mapagbuntunan ng pakabagot mo sa mundong likha ko, pero hindi. Alam kong ninanais mong gawin iyon. Ngayon, tatanungin kita, kung sakali mang nangyari sa iyo ang mga bagay na ginagawa mo sa iba, nanaisin mo rin bang mapag usapan ka?

Sa mga magulang mo, ilang beses ka na bang nagdabog? Ilang beses ka na bang sumagot ng pabalang dahil hindi mo nakuha ang gusto mo? Ilang beses ka na bang nagsalita ng masakit sa kanila? Ngayon, mag isip ka. Sa palagay mo ba, buhay ka pa sa mundong ito kung sakaling wala sila? Sa panahon na may sakit ka noong bata ka, sinong hindi makatulog kakaalaga lang sayo? Ang mga kapitbahay mo ba? Ang mga magulang mo, hindi ba? Pero bakit ka ganyan? Ibang iba ka na. Kakayanin mo bang makita na lamang na isang araw nakahimlay na lang ang magulang mo sa isang kabaong na hindi mo man lang sila nayakap at nahalikan? O di kaya’y doon ka lang ba magsisisi matapos ang mahabang panahong halos hindi mo man lang sila nabigyan nang kahit na isang kasiyahan? Bakit ka ba nagkakaganyan?

Kung sakali mang nagsisimba ka nga at pinupuri mo pa ang pangalan ko.. bakit ganyan ka pa rin? Bakit di mo pa rin magawa ang mga naisin ko? Bakit puro ganyan pa rin ang ginagawa mo? Bakit balik ka pa rin sa mga dati mong gawi, ang magmura, ang magsalita ng laban sa kapwa mo at ang magsinungaling? Minsan, sinasabihan mo pa nga ang ibang tao na dapat magbago na sila sa ginagawa nila dahil hindi iyon ayon sa aking kalooban pero bakit ikaw? Bakit sa sarili mo, hindi mo man lang magawa ang mga bagay na gusto ko? Bakit hindi mo man lang ipamalita na narito ako.. naghihintay lang sa inyong lahat na lumapit sa akin?

Eto lang naman ang nais kong sabihin.. Bakit sa tuwing may nangyayaring hindi maganda sa inyo, minsan ako pa ang sinisisi niyo? Ako ba ang may nais ng mga nangyayari sa buhay niyo? Tandaan niyo, binigyan ko kayo ng kalayaang mabuhay sa mundo para gawin ang mga nais niyong gawin pero hindi ko naman isinantabi ang katotoanang may limitasyon ang mga maaari niyong gawin. Bakit sa tuwing may nangyayaring kasawian sa buhay mo, minsan doon ka lang lumalapit? Bakit anak? Ano ba ang ginawa ko at bakit tila yata ikaw pa itong pilit na lumalayo sa akin? Sa totoo lang, mahal na mahal kita anak at hinhintay kitang magbalik loob sa akin dahil hindi ko kayang nakikita kang lumuluha. Di ko kayang makita kang nasasaktan kahit na minsa’y ikinahihiya mo pa ako sa ibang tao. Anak, matagal na akong naghihintay na magkusa ka. Nasa iyo ang desisyon, nasa iyo ang control, kung patuloy mong babagtasin ang daan na tinatahak mo ngayon o tuluyang lumiko at sa tuwid kong daan ay dumako… Nasa iyo kung saan ang pipiliin mo.