Monday, November 14, 2011

Makabagong Demonyo



Pumipintig ang tenga ko sa galit. Nagpupuyos na naman ang aking damdamin dahil sa gawi ng ibang taong tila hindi napagisipang mabuti. Nais kong isambulat sa lahat ang aking pagkainis para maisampal sa kanila ang katotohan. Katotohanang kailanma’y hindi dapat ipagmadamot. Katotohanang dapat ipasilip at ipaliwanag. Kusa na silang lumalabas, kusa nang umaapaw sa utak ko ang mga salitang kanina ko pa nais isiwalat, tumatakbo sa aking katawan ang lahat ng sobrang hinanakit, at ngayon, ang kamay ko na ang kusang kumikilos para malaman niyo lang ang nais kong sambitin, na kahit hindi direktang manggagaling sa bibig ko ay nagpupumilit pa ring tumama sa pagkatao ng ibang WALANG PAKIALAM SA PAKIRAMDAM NG IBA‼ Sana makailag ka. 

Sa mundong ito, napakarami nang unyango, mga pilit nakikibagay sa iba at tinatago ang bawat kulay na dala nila. Bakit ba may mga taong kailangan pang manira ng iba, magsiwalat ng mga sikretong hindi naman na dapat pagusapan pa? Madaya ang mundo, kasi minsan kung sino pa ang mga tinuturing nating kaibigan sila pa mismo ang maglalaglag sa atin. Sila pa ang hahatak sa atin para tuluyang bumagsak sa ilog ng pagkasadlak. 

Sa araw araw na buhay, nagtataka ako. Ano nga ba ang kaligayahang dulot ng paninira ng iba? Ng pangungutya? Ng pangaapi? Ng pagtsitsismisan? “Ui‼ Buntis daw si ano.. Nabalitaan niyo na ba? Two weeks daw. Grabe‼ Akalain niyo yun?” Ilan lang iyan sa mga sasalubong sa iyo kapag dumaan ka sa sulok sulok ng paaralang kung nagsasalita lang ay naibulalas na rin ang mga inpormasyong di na dapat ipinangangalandakan pa. E ano naman kung buntis si ganto? Na nagalaw ni ano si ano? Tama bang nadukdok na sa mapait na parte ng buhay ang isang tao ay pilit pa natin siyang ilulublob sa kahihiyan? 

Umiinog ang mundo at patuloy ang mga nangyayaring pagbabago. Bawat galaw mo, panigurado, isang tagpo na naman ng buhay ang pwedeng maglaho at mapalitan ng isa pang tagpo, maaaring maganda, maaaring hindi. Minsan, may mga panahon na kailangan nating magisip at pilit ipaunawa sa bawat hibla ng utak ang mga bagay na ginagawa natin. Hindi ba natin naisip na minsan, kung sino pa ang mga tinuturing nating mga taong mapagiimbakan natin ng mga sikreto ay sila pang magsisiwalat ng mga iyon? Masakit isipin at mahirap malirip ang katotohanan pero iyon ang nararapat. May mga taong akala natin ay anghel ngunit mas matindi pa sa demonyo kung magsalita ng laban sa kapwa. Yumayanig ang bawat laman ng kanilang labi habang binibitawan ang mga salitang tumutusok hanggang sa kaloob looban ng iyong katawan. Dinadaig pa nila ang mga kaibigan ni Lucifer kung isiwalat ang katotohanang hindi naman nila kakukuhaan ng kabutihan para sa sarili. Bakit nga kaya kailangan pang manira ng ibang tao? Nakagagaan ba ng pakiramdam kung sakaling masabi nating ayaw natin ang mga prof natin? Na masyadong masama ang talas ng dila ng ating kaklase? Na masyado nang halata na hindi tunay na lalaki si ano? At si tomboy nama’y nakita natin sa burol na kasama si ano at nakikipaghalikan? Oo, minsan naging biktima rin nila ako. Naging kasapi rin ako ng makabagong demonyo ng lipunan ngunit pinigilan ko at nilabanan. 

Ngayon, hindi ka ba namumutla sa mga pinagsasasabi mo? Sino ngayon ang may baho sa ugali? Sino ngayon ang may umaalingasaw na masangsang na amoy dahil sa kanyang mga ginagawa? Ikaw hindi ba? 

Magisip isip ka dahil hindi mo alam, hindi lang ang Diyos ang nakatingin sa iyo kundi pati na rin ang demonyo na matutunton sa daang tinatahak mo… at kung sakali mang hindi ka magbabago… handa ka na bang mayakap siya’t makasama habang buhay? Muli.. magisip ka. 

0 comments:

Post a Comment