Monday, November 14, 2011

Makabagong Demonyo



Pumipintig ang tenga ko sa galit. Nagpupuyos na naman ang aking damdamin dahil sa gawi ng ibang taong tila hindi napagisipang mabuti. Nais kong isambulat sa lahat ang aking pagkainis para maisampal sa kanila ang katotohan. Katotohanang kailanma’y hindi dapat ipagmadamot. Katotohanang dapat ipasilip at ipaliwanag. Kusa na silang lumalabas, kusa nang umaapaw sa utak ko ang mga salitang kanina ko pa nais isiwalat, tumatakbo sa aking katawan ang lahat ng sobrang hinanakit, at ngayon, ang kamay ko na ang kusang kumikilos para malaman niyo lang ang nais kong sambitin, na kahit hindi direktang manggagaling sa bibig ko ay nagpupumilit pa ring tumama sa pagkatao ng ibang WALANG PAKIALAM SA PAKIRAMDAM NG IBA‼ Sana makailag ka. 

Sa mundong ito, napakarami nang unyango, mga pilit nakikibagay sa iba at tinatago ang bawat kulay na dala nila. Bakit ba may mga taong kailangan pang manira ng iba, magsiwalat ng mga sikretong hindi naman na dapat pagusapan pa? Madaya ang mundo, kasi minsan kung sino pa ang mga tinuturing nating kaibigan sila pa mismo ang maglalaglag sa atin. Sila pa ang hahatak sa atin para tuluyang bumagsak sa ilog ng pagkasadlak. 

Sa araw araw na buhay, nagtataka ako. Ano nga ba ang kaligayahang dulot ng paninira ng iba? Ng pangungutya? Ng pangaapi? Ng pagtsitsismisan? “Ui‼ Buntis daw si ano.. Nabalitaan niyo na ba? Two weeks daw. Grabe‼ Akalain niyo yun?” Ilan lang iyan sa mga sasalubong sa iyo kapag dumaan ka sa sulok sulok ng paaralang kung nagsasalita lang ay naibulalas na rin ang mga inpormasyong di na dapat ipinangangalandakan pa. E ano naman kung buntis si ganto? Na nagalaw ni ano si ano? Tama bang nadukdok na sa mapait na parte ng buhay ang isang tao ay pilit pa natin siyang ilulublob sa kahihiyan? 

Umiinog ang mundo at patuloy ang mga nangyayaring pagbabago. Bawat galaw mo, panigurado, isang tagpo na naman ng buhay ang pwedeng maglaho at mapalitan ng isa pang tagpo, maaaring maganda, maaaring hindi. Minsan, may mga panahon na kailangan nating magisip at pilit ipaunawa sa bawat hibla ng utak ang mga bagay na ginagawa natin. Hindi ba natin naisip na minsan, kung sino pa ang mga tinuturing nating mga taong mapagiimbakan natin ng mga sikreto ay sila pang magsisiwalat ng mga iyon? Masakit isipin at mahirap malirip ang katotohanan pero iyon ang nararapat. May mga taong akala natin ay anghel ngunit mas matindi pa sa demonyo kung magsalita ng laban sa kapwa. Yumayanig ang bawat laman ng kanilang labi habang binibitawan ang mga salitang tumutusok hanggang sa kaloob looban ng iyong katawan. Dinadaig pa nila ang mga kaibigan ni Lucifer kung isiwalat ang katotohanang hindi naman nila kakukuhaan ng kabutihan para sa sarili. Bakit nga kaya kailangan pang manira ng ibang tao? Nakagagaan ba ng pakiramdam kung sakaling masabi nating ayaw natin ang mga prof natin? Na masyadong masama ang talas ng dila ng ating kaklase? Na masyado nang halata na hindi tunay na lalaki si ano? At si tomboy nama’y nakita natin sa burol na kasama si ano at nakikipaghalikan? Oo, minsan naging biktima rin nila ako. Naging kasapi rin ako ng makabagong demonyo ng lipunan ngunit pinigilan ko at nilabanan. 

Ngayon, hindi ka ba namumutla sa mga pinagsasasabi mo? Sino ngayon ang may baho sa ugali? Sino ngayon ang may umaalingasaw na masangsang na amoy dahil sa kanyang mga ginagawa? Ikaw hindi ba? 

Magisip isip ka dahil hindi mo alam, hindi lang ang Diyos ang nakatingin sa iyo kundi pati na rin ang demonyo na matutunton sa daang tinatahak mo… at kung sakali mang hindi ka magbabago… handa ka na bang mayakap siya’t makasama habang buhay? Muli.. magisip ka. 

Sunday, November 6, 2011

Bakit ka Ganyan?




Kamusta naman ang araw mo? Masaya ka ba ngayon? O baka naman mali ako.. malungkot ka kaya? Hayyy.. Ganyan talaga ang buhay. Mahirap intindihin. Maaari ngang masaya ka ngayon pero maya maya naman ay magiging malungkot ka. Alam kong naiinis ka nang isipin, naiinis ka nang unawain at higit sa lahat nahihirapan ka nang pigilin ang mga damdamin na nararamdaman mo. Minsan, may mga pagkakataon na gusto mo nang sumuko kapag nahihirapan ka, hindi ba? Minsan naman kapag may nararanasan kang masayang bagay, lagi mong hinihiling na sana tumagal ang pagkakataon na iyon. Pero bakit nga kaya ganun? Minsan, pakiramdam mo, mas marami pang mga pangit na bagay ang nangyayari sa iyo imbes na magaganda? Bakit kaya hindi mo man lang makamit ang mga bagay na nais mong makuha? Bakit kaya ang ibang tao masaya sa kung ano ang meron sila ngayon, pero bakit ikaw, hindi ka pa rin kuntento sa kung ano ang meron ka? Bakit nga kaya?

Ikaw, na nabubuhay dito sa mundo ay binigyan ng pagkakataon na mabuhay ng malaya, hindi ba?  Nagagawa mo naman ang mga naisin mo lalo na kapag walang taong humahadlang sayo pero napag iisipan mo ba lahat ng bagay na ginagawa mo? Naiisip mo ba kung tama lahat ng mga bagay na iyon na porke’t walang pumipigil sa iyo sa ginagawa mo?

Masaya kang namumuhay noong bata ka pa. Marami pa nga ang pagkakataon na magkasama tayo. Diba lagi ka pa ngang nasa tahanan ko? Tahimik kang nakaupo at tikom ang iyong bibig habang mataimtim akong kinakausap at nakatiklop pa ang kamay mo. Alam mo ba? Alam mo bang matagal ko nang hinihintay na gawin mong muli iyon? Ang ako ay bisitahin mo kahit minsan lang? At sana man lang sa pagkakataon na ako ay bibisitahin mo, sana man lang ako nga ang nasa isip mo.

Ngayon, malaki ka na. Nakatulong na ako ng marami sayo, pero balewala sa akin iyon dahil mahal na mahal kita.  Pero bakit? Bakit ka nagkakaganyan? Bakit ibang iba ka na? Minsan, nasaan ka? Nasa tsismisan kasama ang mga tinuturing mong kaibigan? Para saan? Para pag usapan ang ibang tao tungkol sa mga kamaliang nagagawa nila? Bakit? May mababago ba sa kanila kung sakali mang pagtsismisan mo sila? Nakakabahala na ang ginagawa mo.. nakakalungkot. Minsan, iniisip ko na lang na nagagawa mo ang mga iyon dahil wala kang mapagbuntunan ng pakabagot mo sa mundong likha ko, pero hindi. Alam kong ninanais mong gawin iyon. Ngayon, tatanungin kita, kung sakali mang nangyari sa iyo ang mga bagay na ginagawa mo sa iba, nanaisin mo rin bang mapag usapan ka?

Sa mga magulang mo, ilang beses ka na bang nagdabog? Ilang beses ka na bang sumagot ng pabalang dahil hindi mo nakuha ang gusto mo? Ilang beses ka na bang nagsalita ng masakit sa kanila? Ngayon, mag isip ka. Sa palagay mo ba, buhay ka pa sa mundong ito kung sakaling wala sila? Sa panahon na may sakit ka noong bata ka, sinong hindi makatulog kakaalaga lang sayo? Ang mga kapitbahay mo ba? Ang mga magulang mo, hindi ba? Pero bakit ka ganyan? Ibang iba ka na. Kakayanin mo bang makita na lamang na isang araw nakahimlay na lang ang magulang mo sa isang kabaong na hindi mo man lang sila nayakap at nahalikan? O di kaya’y doon ka lang ba magsisisi matapos ang mahabang panahong halos hindi mo man lang sila nabigyan nang kahit na isang kasiyahan? Bakit ka ba nagkakaganyan?

Kung sakali mang nagsisimba ka nga at pinupuri mo pa ang pangalan ko.. bakit ganyan ka pa rin? Bakit di mo pa rin magawa ang mga naisin ko? Bakit puro ganyan pa rin ang ginagawa mo? Bakit balik ka pa rin sa mga dati mong gawi, ang magmura, ang magsalita ng laban sa kapwa mo at ang magsinungaling? Minsan, sinasabihan mo pa nga ang ibang tao na dapat magbago na sila sa ginagawa nila dahil hindi iyon ayon sa aking kalooban pero bakit ikaw? Bakit sa sarili mo, hindi mo man lang magawa ang mga bagay na gusto ko? Bakit hindi mo man lang ipamalita na narito ako.. naghihintay lang sa inyong lahat na lumapit sa akin?

Eto lang naman ang nais kong sabihin.. Bakit sa tuwing may nangyayaring hindi maganda sa inyo, minsan ako pa ang sinisisi niyo? Ako ba ang may nais ng mga nangyayari sa buhay niyo? Tandaan niyo, binigyan ko kayo ng kalayaang mabuhay sa mundo para gawin ang mga nais niyong gawin pero hindi ko naman isinantabi ang katotoanang may limitasyon ang mga maaari niyong gawin. Bakit sa tuwing may nangyayaring kasawian sa buhay mo, minsan doon ka lang lumalapit? Bakit anak? Ano ba ang ginawa ko at bakit tila yata ikaw pa itong pilit na lumalayo sa akin? Sa totoo lang, mahal na mahal kita anak at hinhintay kitang magbalik loob sa akin dahil hindi ko kayang nakikita kang lumuluha. Di ko kayang makita kang nasasaktan kahit na minsa’y ikinahihiya mo pa ako sa ibang tao. Anak, matagal na akong naghihintay na magkusa ka. Nasa iyo ang desisyon, nasa iyo ang control, kung patuloy mong babagtasin ang daan na tinatahak mo ngayon o tuluyang lumiko at sa tuwid kong daan ay dumako… Nasa iyo kung saan ang pipiliin mo.

Friday, October 28, 2011

Laro ng Buhay



Handa ka na bang makipaglaro? Handa ka na bang muling tikman ang tamis ng sayang dulot ng pagkapanalo? Handa ka na bang mahawakan ang premyong maaari mong matamo? Kakayanin mo rin bang tanggapin ang posibilidad ng iyong pagkatalo? Handa ka na bang muling pakawalan ang luha sa iyong mga mata dahil sa pait na dulot ng di pagkapanalo? Kakayanin mo ba? Handa ka na ba?...

Maging masaya ka at isa ka sa mga nabigyan ng pagkakataong mabuhay sa mundong ito ngunit hindi diyan natatapos ang lahat. Mangamba ka dahil marami ka pang kailangang sagupain. Marami ka pang kailangang habulin at lampasan.

Higit pa sa larong inaakala mo, higit pa sa larong noong bata'y kinasiyahan mo, iba ang larong ito. May larong handog sa atin ang mundo. May larong hindi mo alam ang maaari mong kasapitan. Maari kang maging taya sa laban na ito. Maari rin namang ikaw ang tinataya at pilit na ibinababa ng iba. Wala ka nang panahon para umurong pa. Dahil nabuhay ka, hindi ka kailanman mawawala sa listahan ng mga taong makakaranas ng parehong kasawian at kasiyahan.Wala ka nang dahilan para di suungin ang larong ito. Ang tangi mo lang paraan para ito ay maiwasan ay ang KAMATAYAN.

Simula pa lamang sa pagkasilang natin sa mundong ito ay nagaabang na sa atin ang mga hamon ng mundong kailangan nating harapin ang mga pasakit na pwede nating dalhin at buhatin. Lumalaki tayo at unti unting nagkakaisip. Kasabay iyon ang dahan dahan ring pagdating ng responsibilidad na nakaatang sa ating balikat. Ngunit sa pagdating ng mga ito, masasabi mo pa rin bang ito ang buhay na ninais mo?

Parang karera ang buhay, mahirap makaabot sa rurok ng tagumpay ng walang napagdadaanang pagod. anumang oras, pwede kang matalisod, pwede kang masugatan, ngunit kung patuloy mo itong iindahin, mahihirapan kang makaabot sa finish line. Sa bandang huli, ano't ano pa man ang mangyari, dalawang senaryo lang naman ang maaari nating kasapitan - ang pagkatalo at ang pagkapanalo.

Wala kang dapat pagsisihan kung ikaw ang nasa posisyon ng pagkapanalo. Sa sitwasyon naman na ikaw ay natalo, wala ka ring magagawa upang ibalik pa ang panahon at ibahin ang resulta ng ginawa mong paglaban. Sa pagkatalo mong iyon, bakit di mo muling isipin ang mga ginawa mong taktika upang malampasan ang lahat ng mga balakid sa pagkamit mo ng iyong mithiin na makarating sa finish line? Ikaw ang gumagawa ng aksyon sa iyong buhay. Ikaw ang nagbibigay sa sarili mo ng iyong kapalaran. Ikaw ang dapat sisihin. Ikaw ang siyang may kasalanan.

Sa buhay, madalas sinisisi natin ang iba kung bakit may mga kasawian tayong nadarama. Pero bakit di natin tignan ang ating sarili? Bakit di natin amining kahit sa maliit na paraan, tayo ri'y may nagagawang mali? Iyan ang problema sa tao. Iyan ang problemang lagi na lang nagpapababa sa sarili nating pagkatao. May ugali kasi tayong mapanisi. Dumarating pa sa atin ang mga pagkakataon na kahit ang Diyos ay sinisisi na rin natin. Masyado kasi tayong makasarili. Masyado ring perpekto ang tingin natin sa mundo kaya ano mang naisin natin ay ginagawa natin. Iyan ang totoo.

Ang larong karera ay pwede rin nating ikumpara sa buhay kolehiyo. Ang mga balakid ay ang iba't ibang subjects na kailangan nating maipasa. Ang mga kalaban naman natin sa larong iyon ang mga taong pilit tayong hinahatak pababa para di natin makamit ang ating mithiin. Ang barkada ay minsan rin nating nakakalaban lalo na sa panahong naiimpluwensyahan nila tayo na gumawa ng mga bagay na hindi naman natin dapat talaga ginagawa. Ang finish line ay ang ating mga goals sa buhay. Bilang isang estudyante, alam kong nais nating lahat na makatapos ng pagaaral at sa iba namay madagdagan pa ang kasiyahang iyon sa pmamagitan ng pagkakapasa sa Board Exams. Yun ang tunay na laro ng buhay- ang laro na dapat nating seryosohin, ang laro na dapat nating bigyang pansin.

Matapos kong mailahad lahat ng mga ideyang kanina pa nais kumawala sa aking isipan, isa na lamang ang nais kong gawin at iyon ay iwan ang katanungang ito. Papayag ka ba na matalo sa larong ito na handog sayo ng mundo?

Monday, October 24, 2011

Araw, Ulan at Bahaghari


Mataas ang sikat ng araw. Nakakabagot. Wala akong magawa. Hindi ko rin naman hilig ang maggala ng walang katuturan. Nakakainis. Maghapon na namang nakakulong ang aking katawan sa lugar na ito. Walang magawa. Nagiisa. Iyan ang buhay ko ngayon. Tapos na kasi ang unang semester ng aking buhay kolehiyo. Kailangan daw mag unwind sa lahat ng stress na pinatikim mo sa mura mong katawan. Ang taas talaga ng sikat ng araw ngunit mas nagpapansin yata ang init na dulot nito. Sumasabay ito sa hangin at dumadampi sa pawisan kong katawan. Nakakayamot. Hindi ko magawang maging abala sa ibang bagay bukod sa pagsusulat maipakita ko lang sa IBA na may KAKAYAHAN ako. Sana nga dumilim, yung tipong matatakpan nito ang pagpapansin ng init. Sana umulan, yung tipong mapapalitan naman ng mahalumigmig na pakiramdam ang hanging dumadampi sa aking balat.

Umaaraw. Umuulan. Parang ganyan lang ang takbo ng aking buhay. SCHOOL, BAHAY, SCHOOL, BAHAY. Paulit ulit. Walang pagbabago. Matapos ang ilang buwang pakikipagtuos ko sa ibat ibang subjects na lubusang nakapagpahapo sa akin ng todo at ang pilit kong pagsasalpak ng kung ano anong impormasyon sa utak ko, tila yata masyado na akong walang panahon pa para sa sarili kong kaligayahan. Masyado ko na ngang pinagkakaitan ang aking sarili na matikman ang ibat ibang klaseng sayang dulot ng mundong ito, imbes ang lungkot at galit na dulot naman ng pagmamadamot na bigay ng tadhana ang nabibigay sa akin ng pakiramdam na mahirap ipaliwanag. Magulo ang mundo, lahat ng bagay masyadong komplikado lalo na sa taong tulad ko. Mahirap unawain at lalong mahirap makipagsapalaran lalo na kung di mo alam ang pwedeng mangyari.

Bwisit! Nakakainis! Lagi na lang bang ganto? Lagi na lang bang ako ang dapat tignan? Maraming gumugulo sa isip ko. Hindi man lang ba kasi nila naisip na tao lang din ako? Na marunong magkamali? Sa buhay, hindi lang iyan ang ma katagang namumutawi sa aking labi. Mas marami pa nga kung pagsasamahin ang lahat ng hinanaing ko sa buhay. Ngunit sino ba naman ako para pumigil ng mga pangyayaring nakatadhana nang ako ang tumanggap? Ang hirap lang kasi. Ang hirap ng pakiramdam na marami ang nakatingin sayo. Lahat sila binabantayan ang bawat pagapak ng paa mo sa lupa at ang pagbuka ng labi mo, walang kasiguraduhan kung kaya mo pang gawin ang mga bagay na dapat mo naman talagang ginagawa. Masakit isipin na sa bawat kilos mo, may mga nakatunghay na tao. Siguro, para sa iba masaya iyon dahil para sa kanila iyon ang tunay na kahulugan ng pagiging sikat. Aminado ako, maaring maging isa nga iyon sa dahilan ng ganung mga gawi. Ngunit iba ang akin. Mas kakaiba kaysa sa napapanood mo sa t.v., sa mga nababasa mong kweto ng mga di mo matapos tapos na nobela. Minsan, mas nakakapagod pang unawain ang sakin. Ako ang taya sa laban na handog sa akin ng mundo. Ako ang taya kaya ako ang laging kawawa. 

Achievements? Oo. Marami ako niyan at hindi ko kailangang itago ang katotohanan na may utak ako pero hindi ko rin naman ito ipinagduduldulan sa ibang tao gaya ng pagsambulat ng ibang matatalino sa biyayang natatanggap nila mula sa taas. Simple lang kasi akong tao. Masaya na kung ako'y may natatamong maganda pero hindi ko hahayaan na tama na ang mga salitang "OKAY NA ITO" Sa buhay kasi, kailangan tulak lang ng tulak para makuha mo ang naisin mo pero dapat ring itatak sa sarili na wala kang dapat na sagasaang tao. Pero sa bawat tagpo, nandiyan ang tukso, nandiyan ang kaaway. Sa isang iglap, hindi natin alam ang maaaring mangyari. Puwede tayong mahila pababa gaya ng pagbagsak ng isang bunga mula sa puno hindi dahil sa hinog na hinog na ito kundi dahil sa kasabikan ng isang gutom na tao na makakain ng bunga mulo sa punong iyon. Ganyan ang buhay. Ang bunga ang sumisimbolo ng mga pangarap natin at ng mga bagay na nakakakamit natin at ang tao naman ang kaaway na pilit kang ibinababa makamit lang nila ang nais nilang mangyari.

Sa panahon na ito, naiisip ko siya. Siya na sa lahat na lang ng bagay na aking ginagawa ay may puna. Siya na hindi marunong umunawa na ako ay tao lang na nagkakamali rin at nasasaktan. Sana nababasa niya ito. Siya na sa tuwing may tama akong nagagawa ay may side comment. Siya na sa panahong nakakakuha ng mataas na grado ay una akong tatanungin kung ano ang aking nakuha. Madaya ang mundo. Lagi na lang ako ang nasa sentro ng buhay ng mga taong mapagpuna. Sana kasi uso sa kanila ang salitang SATISFACTION.

Hindi naman talaga ako ganito. Hindi ako sanay na napupuna. Hindi ako sanay na naglalabas ng emosyon. Peke ako. Aminado naman ako dito. Ganun na ngayon. Kung di ka susunod sa kapekean ng mundo, mapagiiwanan ka. Peke nga ako ngunit hindi sa paraan na akala niyo. Peke ako dahil lagi lamang nagtatago ang luha sa mga mata ko. Mas pumapaimbabaw kasi ang ligaya ko kesa sa mga iyon. Hindi niyo rin naman ako masisisi. Ganito ako. Ayaw kong ipakita sa iba na nasasaktan ako, na nahihirapan ako. Alam ko, alam mo ang pakiramdam na ito. Minsan mo na ring naranasan na mapuna. Di ka nagiisa. Nandito ako at tulad mo, nahihirapan din ako.

EXPECTATIONS. Iyan na siuro ang pinaakbrutal na salitang narinig ko at pilit kong tinatakasan ngunit kahit anong pilit kong takasan ang mga ito, pilit pa rin itong namamayani. Tulad ng araw na patuloy sa pagsikat, iyan ako. Patuloy kong nakukuha ang mga naisin ko sa buhay ngunit tila ba nagbibigay ito ng init para sa iba, init na nagtutulak sa kanila para ako ay pansinin at labanan. Mahilig ako sa labanan, yun ang gusto ko, pero hindi sa paraan na sisirain mo ang aking pagkatao. Normal lang naman talaga ang buhay. Masyado lang komplikado ang akin. Mahirap lang din kasi na bukod sa mga taong mapagpuna sa mga nagagawa mo ay may mga tao rin na napakataas ng tingin sayo. Mas ayaw ko iyon at sa tuwing malalaman ko na may ganung tao, parang gusto ko na lang maging isang pagong. Seryoso. Walang halong biro. Buti pa nga ang pagong, na sa tuwing may naaakit at tuwang tuwa dito, malaya itong nakakatago para di masaktan. Ganun kasi ang pakiramdam kapag ang taas ng expectations sayo ng ilang tao. Mahirap silang biguin at kahit na pilit mong inaangat ang sarili mo para sa kanila, hindi mo pa rin makikita ang sa iyong sarili na may ngiti. Wala ring kislap ang iyong mata, dahil ang isang gawain na pilit mo lamang ginagawa para sa iba ay mas mahirap pa sa pagakyat ng pinakamatayog na bundok sa mundo. Iyon ang katotohanan at ayun din ang ayaw ko.

Ang araw na simbolo ng aking pagkatao ay nangangailan ng ulan para alisin ang init na dulot ko sa ibang tao at didilig din sa kadayaan at kapakean na dulot ng mundo. Sa pagtatapos ng ulan, muli akong magpapasikat at sa pagsikat kong iyon nawa ang minimithi kong BAHAGHARI ay matamo.



Sunday, October 23, 2011

Text Craze



Puro nalang yata kaseryosohan ang nakikita niyo sa blog ko. Well, it’s about time to make a  change. Alam ko mahilig kang magtext. Aminin mo! Kung mahilig ka nga dito, basahin mo naman ang ilan sa mga pinakausong text ngayon, pleaseeee! Para naman madagdagan pa ang viewers ng blog ko. Pero kung hindi ka naman mahilig, a..e… basta pakibasa na rin. Please lang. :D

K. – Ito yung nakakainis na reply. Pinakakaraniwan na text mo itong matanggap kapag tamad na tamad na sa pagtetext ang taong kinukulit mo dahil wala kang mapagbuntunan ng kabugnutan mo sa buhay

K. Fine – Pinahabang bersyon ng K. Isang pagsangayon ng taong tinatamad. Pwede rin naman itong sagot na makukuha mo kapag nainis sayo yung taong ginagambala mo.

Weh? Talaga? Di nga? – Ito ang karaniwang reaksyon ng taong di makapaniwala dahil manghang mangha siya sayo o kaya, pwede rin namang kabaligtaran. Maaari mo rin kasing matanggap ‘to kapag di talaga convincing ang drama mo.

Ikaw na! The best ka! –  Natanggap mo na din ba ito? Malamang ito yung natanggap mo nung minsan ka nang inuplift ang sarili mo sa kanila. Oo nga naman, teka, teka, masama bang sabihin na mataas ako sa ganto, na magaling ako sa ganyan? Make sense. Haha

On the way na ako – Ito ang isa sa kasalanang dulot ng pagtetext. Ito ang mga salitang tinatype mo sa phone mo kasi ayaw mong maiwanan ng barkada sa gala niyo. Ito ang tinetext mo sa panahong nagbibihis ka pa lang at kung mapasama pa, ay maliligo ka pa lang.

Tara na. Pa VIP lang? – Ito naman ang text na pansagot sa text na nasa taas. Ito yung sagot ng naghihintay sa kaibigang napakatagal dumating. Medyo kalmado ka pa dito at kaya pang kontrolin ang emosyon.


P.I. Poooch&*^*$a. TARAG*S! Letseeee! – Yan at iba iba pang malulutong na mura ang papailanlang sa cellphone mo kapag sukdulan nang nainis ang taong pinaghihintay mo. Sabayan pa ng pagtadtad niya sa iyo maipaalam niya lang na bwisit na bwisit na siya kakahintay sa tagpuang pinagusapan niyo.

Teka maiba tayo.Bakit nga ba puro na lang kabwisitan ang pinaguusapan natin?  Let’s talk about love. Naku! Ito na yata ang pinakausong salita ngayon, at marinig mo pa lang ang mga linya mula sa mga cheesy lines na pinauso ni Lloydy, naku mapapangiti ka na na para bang may humihila sa iilang buhok sa ibabang parte ng katawan mo [ikaw na ang bahalang magisip kung anong buhok ang mga ito] . Walang magrereact dito ha? Pagpasensiyahan niyo na sapagkat ang inyong lingkod ay wala pang LABLAYF. Sila na! Kayo na! (badtrip) O siya. Simulan na nga natin at nagkakadramahan pa tayo dito :D


I miss you  – Sus! Lahat na lang yata ng tao pwede makatanggap nito. Kahit lalaki ka o babae man, mapakaibigan ka niya o sadyang mahal ka, pwede mo mabasa ang gantong mga kataga sa text na matatanggap mo. Pero minsan, di rin dapat seryosohin ang mga ito, minsan kasi kahit sinabhan ka niya ng ganyan, as friendship lang naman. No more, no less! Mahirap kaya umasa!  Agree?! 


Kumain ka na ba? –  Ewan ko sa inyo a? Pero abot langit ngiti ko pag natatanggap ko to. K. Fine! Mababaw na kung mababaw. Pero isa kasi ito sa pinakamatamis na pagaalala na matatanggap mo sa isang taong lubos na minamahal mo. :DD

Ui! Kamusta ka na? – Okay. Alam ko natanggap mo na ito. Pero pag natanggap mo ito mula sa hinahangaan mo. Sigurado, sasabog utak mo kakahalunkat ng kung ano anong salitang dapat mamutawi sa pagkaselan selan mong labi. Kahit yata di ka sanay gumamit ng Thesaurus ay mapipilitan kang gumamit nito. Hala! Sige!  Buklat lang ng buklat!  Isip ng topic. Pag nagreply ka na... maya maya nakatulog na pala itong pinagalayan mo ng panahon sa kakabuklat ng kung ano ano. Aba naman! |Minsan na lang naman kasi magtetext, magiisip pa ng irereply. Make sense! [sapul]

Teka.. Nauubusan na ako ng sasabihin. End muna tayo dito. Hahaha :D

Thursday, October 20, 2011

Hinihintay Kita



Dati’y tinataas mo pa ang kamay mo
Habang sinasambit ang papuri sa Ngalan Ko
At ang tamis ng pagsintang inalay mo
Ay buong puso’t galak na tinanggap Ko

Naaalalamo pa ba nung ika’y kumakanta
Ng mga awitin upang ako’y masamba
At ang pagtulo ng luha sayong mga mata
Kasabay ng pagtangis mula sa salang nagawa?

Ngunit ngayon bakit ika’y nagbago na?
Di na nga yata ikaw ang dati kong kilala
Ang sigla’t tamis ng pagsintang dati mong ginagawa
Hahayaan mo na lang bang kumupas na?

Maririnig ko pa kaya ang tinig mong kaytinis
O kaya’y ang pagsigaw saNgalan Kong may tamis?
Anak, ako ba’y handa mong ibalewala
Makamit mo lang ang bagay na sayo’y nagbibigay tuwa

Nasasaktan ako sa mga pinapakita mong gawi
Tunay nga yatang ako’y nilimot mo na’t sinawi
Pinuno niyo na yata ang mundo ng dumi
Ng salang dulot nang kayo saki’y tumanggi

Ngayon, ako pa ba ang dapat na kumilos?
Ako na hindi ka iniwan kahit ika’y kinakapos
Isa lang naman ang tangi ko sayong hiling
At ‘yun ay ang iyong pagbalik dito sa aking piling

Hinihintay lang kita, anak, hinihintay kita...

Wednesday, October 19, 2011

Sa Ligaya'y Napagkaitan



Tandang tanda ko pa ang mga alaala
At ang tamis na dulot ng una nating pagkikita;
Ang pagkabog ng puso, noo'y damang dama
Pati pagtaas ng balahibo'y di maikaila

Ang saya sa labi'y di maikubli
Bagama't tikom, galak ay namumutawi;
Isang mahigpit na yakap ang sunod na gawi
Dahil ang kasabika'y halata sa sarili

Mga araw ay lumipas, at lalong nagkakilala
Simpleng text mo lang, ako'y napapangiting talaga
Sabayan pa ng pagtawag sa phone ko, sa tuwina;
Ang lambing ng iyong boses, saki'y nagpapaligaya

Sadyang kay bilis ng araw, di na nahalata
Tatlong buwan na palang tayo'y magkakilala
More than friends, ika nga, turing sa isa't isa
Ngunit walang commitment, less than lovers na lang ba?

Espesyal pa rin naman turingan nating dalawa
Kahit di ko alam kung ako'y may pag asa pa
Sabagay, ang tulad ko'y di naman dapat magdemand
Dahil isa akong tanga: walang aksyon na ginagawa

Kalahating taon na nga ang ating samahan
Sana nga'y halata mong ika'y aking minamahal
Teka, natotorpe na nga ba talaga ako?
Dahil di ko kayang sabihin na ika'y mahal ko

Tingin ko nama'y mahal mo rin ako
Pagkat ang mga ngiti mo saki'y walang pinagbago
Sana nga'y di na matapos pa ang gantong mga tagpo
Kahit sa totoo lang, walang kasiguraduhan kung san ang ating tungo

Ngunit sa kabila ng lahat ng aking katorpehan
Dumating na rin ang araw na ako'y biniyayaan
Ng tapang na dulot ng pag ibig na nararamdaman
Sa iyo aking sintang tunay na minamahal

Kita'y pupuntahan dapat sa ating tagpuan
Ngunit ako'y hinadlangan ng tadhanang kaibigan
Isang kakilala mo ang sa aki'y nangusap
Isang kagimbal gimbal na rebelasyon ang sakin ay nilatag

Pagpatak ng luha mula sa aking mata
Ang siyang bumasag ng tuwang kanina'y nadama
Isang malakas na HINDI ang saki'y kumawala
Sa pagkakaalam na ika'y meron nang iba

Huli na nga ang lahat para ako'y magtapat
Ang naunang takot, kapalit ay tagpong maalat
Wala na ang dating ngiti na sakin ay makikita
Imbes ay nandun sa sulok, lagi nang nag iisa

Bakit kaya ganun ang naging pagtatapos
Buhay pag ibig ko ba'y lagi na lang nakagapos?
Kayhirap nang isipin, mga susunod pang hakbang
Ng puso kong itong, sa ligaya'y napagkaitan.