Monday, October 24, 2011

Araw, Ulan at Bahaghari


Mataas ang sikat ng araw. Nakakabagot. Wala akong magawa. Hindi ko rin naman hilig ang maggala ng walang katuturan. Nakakainis. Maghapon na namang nakakulong ang aking katawan sa lugar na ito. Walang magawa. Nagiisa. Iyan ang buhay ko ngayon. Tapos na kasi ang unang semester ng aking buhay kolehiyo. Kailangan daw mag unwind sa lahat ng stress na pinatikim mo sa mura mong katawan. Ang taas talaga ng sikat ng araw ngunit mas nagpapansin yata ang init na dulot nito. Sumasabay ito sa hangin at dumadampi sa pawisan kong katawan. Nakakayamot. Hindi ko magawang maging abala sa ibang bagay bukod sa pagsusulat maipakita ko lang sa IBA na may KAKAYAHAN ako. Sana nga dumilim, yung tipong matatakpan nito ang pagpapansin ng init. Sana umulan, yung tipong mapapalitan naman ng mahalumigmig na pakiramdam ang hanging dumadampi sa aking balat.

Umaaraw. Umuulan. Parang ganyan lang ang takbo ng aking buhay. SCHOOL, BAHAY, SCHOOL, BAHAY. Paulit ulit. Walang pagbabago. Matapos ang ilang buwang pakikipagtuos ko sa ibat ibang subjects na lubusang nakapagpahapo sa akin ng todo at ang pilit kong pagsasalpak ng kung ano anong impormasyon sa utak ko, tila yata masyado na akong walang panahon pa para sa sarili kong kaligayahan. Masyado ko na ngang pinagkakaitan ang aking sarili na matikman ang ibat ibang klaseng sayang dulot ng mundong ito, imbes ang lungkot at galit na dulot naman ng pagmamadamot na bigay ng tadhana ang nabibigay sa akin ng pakiramdam na mahirap ipaliwanag. Magulo ang mundo, lahat ng bagay masyadong komplikado lalo na sa taong tulad ko. Mahirap unawain at lalong mahirap makipagsapalaran lalo na kung di mo alam ang pwedeng mangyari.

Bwisit! Nakakainis! Lagi na lang bang ganto? Lagi na lang bang ako ang dapat tignan? Maraming gumugulo sa isip ko. Hindi man lang ba kasi nila naisip na tao lang din ako? Na marunong magkamali? Sa buhay, hindi lang iyan ang ma katagang namumutawi sa aking labi. Mas marami pa nga kung pagsasamahin ang lahat ng hinanaing ko sa buhay. Ngunit sino ba naman ako para pumigil ng mga pangyayaring nakatadhana nang ako ang tumanggap? Ang hirap lang kasi. Ang hirap ng pakiramdam na marami ang nakatingin sayo. Lahat sila binabantayan ang bawat pagapak ng paa mo sa lupa at ang pagbuka ng labi mo, walang kasiguraduhan kung kaya mo pang gawin ang mga bagay na dapat mo naman talagang ginagawa. Masakit isipin na sa bawat kilos mo, may mga nakatunghay na tao. Siguro, para sa iba masaya iyon dahil para sa kanila iyon ang tunay na kahulugan ng pagiging sikat. Aminado ako, maaring maging isa nga iyon sa dahilan ng ganung mga gawi. Ngunit iba ang akin. Mas kakaiba kaysa sa napapanood mo sa t.v., sa mga nababasa mong kweto ng mga di mo matapos tapos na nobela. Minsan, mas nakakapagod pang unawain ang sakin. Ako ang taya sa laban na handog sa akin ng mundo. Ako ang taya kaya ako ang laging kawawa. 

Achievements? Oo. Marami ako niyan at hindi ko kailangang itago ang katotohanan na may utak ako pero hindi ko rin naman ito ipinagduduldulan sa ibang tao gaya ng pagsambulat ng ibang matatalino sa biyayang natatanggap nila mula sa taas. Simple lang kasi akong tao. Masaya na kung ako'y may natatamong maganda pero hindi ko hahayaan na tama na ang mga salitang "OKAY NA ITO" Sa buhay kasi, kailangan tulak lang ng tulak para makuha mo ang naisin mo pero dapat ring itatak sa sarili na wala kang dapat na sagasaang tao. Pero sa bawat tagpo, nandiyan ang tukso, nandiyan ang kaaway. Sa isang iglap, hindi natin alam ang maaaring mangyari. Puwede tayong mahila pababa gaya ng pagbagsak ng isang bunga mula sa puno hindi dahil sa hinog na hinog na ito kundi dahil sa kasabikan ng isang gutom na tao na makakain ng bunga mulo sa punong iyon. Ganyan ang buhay. Ang bunga ang sumisimbolo ng mga pangarap natin at ng mga bagay na nakakakamit natin at ang tao naman ang kaaway na pilit kang ibinababa makamit lang nila ang nais nilang mangyari.

Sa panahon na ito, naiisip ko siya. Siya na sa lahat na lang ng bagay na aking ginagawa ay may puna. Siya na hindi marunong umunawa na ako ay tao lang na nagkakamali rin at nasasaktan. Sana nababasa niya ito. Siya na sa tuwing may tama akong nagagawa ay may side comment. Siya na sa panahong nakakakuha ng mataas na grado ay una akong tatanungin kung ano ang aking nakuha. Madaya ang mundo. Lagi na lang ako ang nasa sentro ng buhay ng mga taong mapagpuna. Sana kasi uso sa kanila ang salitang SATISFACTION.

Hindi naman talaga ako ganito. Hindi ako sanay na napupuna. Hindi ako sanay na naglalabas ng emosyon. Peke ako. Aminado naman ako dito. Ganun na ngayon. Kung di ka susunod sa kapekean ng mundo, mapagiiwanan ka. Peke nga ako ngunit hindi sa paraan na akala niyo. Peke ako dahil lagi lamang nagtatago ang luha sa mga mata ko. Mas pumapaimbabaw kasi ang ligaya ko kesa sa mga iyon. Hindi niyo rin naman ako masisisi. Ganito ako. Ayaw kong ipakita sa iba na nasasaktan ako, na nahihirapan ako. Alam ko, alam mo ang pakiramdam na ito. Minsan mo na ring naranasan na mapuna. Di ka nagiisa. Nandito ako at tulad mo, nahihirapan din ako.

EXPECTATIONS. Iyan na siuro ang pinaakbrutal na salitang narinig ko at pilit kong tinatakasan ngunit kahit anong pilit kong takasan ang mga ito, pilit pa rin itong namamayani. Tulad ng araw na patuloy sa pagsikat, iyan ako. Patuloy kong nakukuha ang mga naisin ko sa buhay ngunit tila ba nagbibigay ito ng init para sa iba, init na nagtutulak sa kanila para ako ay pansinin at labanan. Mahilig ako sa labanan, yun ang gusto ko, pero hindi sa paraan na sisirain mo ang aking pagkatao. Normal lang naman talaga ang buhay. Masyado lang komplikado ang akin. Mahirap lang din kasi na bukod sa mga taong mapagpuna sa mga nagagawa mo ay may mga tao rin na napakataas ng tingin sayo. Mas ayaw ko iyon at sa tuwing malalaman ko na may ganung tao, parang gusto ko na lang maging isang pagong. Seryoso. Walang halong biro. Buti pa nga ang pagong, na sa tuwing may naaakit at tuwang tuwa dito, malaya itong nakakatago para di masaktan. Ganun kasi ang pakiramdam kapag ang taas ng expectations sayo ng ilang tao. Mahirap silang biguin at kahit na pilit mong inaangat ang sarili mo para sa kanila, hindi mo pa rin makikita ang sa iyong sarili na may ngiti. Wala ring kislap ang iyong mata, dahil ang isang gawain na pilit mo lamang ginagawa para sa iba ay mas mahirap pa sa pagakyat ng pinakamatayog na bundok sa mundo. Iyon ang katotohanan at ayun din ang ayaw ko.

Ang araw na simbolo ng aking pagkatao ay nangangailan ng ulan para alisin ang init na dulot ko sa ibang tao at didilig din sa kadayaan at kapakean na dulot ng mundo. Sa pagtatapos ng ulan, muli akong magpapasikat at sa pagsikat kong iyon nawa ang minimithi kong BAHAGHARI ay matamo.



0 comments:

Post a Comment