Friday, October 28, 2011

Laro ng Buhay



Handa ka na bang makipaglaro? Handa ka na bang muling tikman ang tamis ng sayang dulot ng pagkapanalo? Handa ka na bang mahawakan ang premyong maaari mong matamo? Kakayanin mo rin bang tanggapin ang posibilidad ng iyong pagkatalo? Handa ka na bang muling pakawalan ang luha sa iyong mga mata dahil sa pait na dulot ng di pagkapanalo? Kakayanin mo ba? Handa ka na ba?...

Maging masaya ka at isa ka sa mga nabigyan ng pagkakataong mabuhay sa mundong ito ngunit hindi diyan natatapos ang lahat. Mangamba ka dahil marami ka pang kailangang sagupain. Marami ka pang kailangang habulin at lampasan.

Higit pa sa larong inaakala mo, higit pa sa larong noong bata'y kinasiyahan mo, iba ang larong ito. May larong handog sa atin ang mundo. May larong hindi mo alam ang maaari mong kasapitan. Maari kang maging taya sa laban na ito. Maari rin namang ikaw ang tinataya at pilit na ibinababa ng iba. Wala ka nang panahon para umurong pa. Dahil nabuhay ka, hindi ka kailanman mawawala sa listahan ng mga taong makakaranas ng parehong kasawian at kasiyahan.Wala ka nang dahilan para di suungin ang larong ito. Ang tangi mo lang paraan para ito ay maiwasan ay ang KAMATAYAN.

Simula pa lamang sa pagkasilang natin sa mundong ito ay nagaabang na sa atin ang mga hamon ng mundong kailangan nating harapin ang mga pasakit na pwede nating dalhin at buhatin. Lumalaki tayo at unti unting nagkakaisip. Kasabay iyon ang dahan dahan ring pagdating ng responsibilidad na nakaatang sa ating balikat. Ngunit sa pagdating ng mga ito, masasabi mo pa rin bang ito ang buhay na ninais mo?

Parang karera ang buhay, mahirap makaabot sa rurok ng tagumpay ng walang napagdadaanang pagod. anumang oras, pwede kang matalisod, pwede kang masugatan, ngunit kung patuloy mo itong iindahin, mahihirapan kang makaabot sa finish line. Sa bandang huli, ano't ano pa man ang mangyari, dalawang senaryo lang naman ang maaari nating kasapitan - ang pagkatalo at ang pagkapanalo.

Wala kang dapat pagsisihan kung ikaw ang nasa posisyon ng pagkapanalo. Sa sitwasyon naman na ikaw ay natalo, wala ka ring magagawa upang ibalik pa ang panahon at ibahin ang resulta ng ginawa mong paglaban. Sa pagkatalo mong iyon, bakit di mo muling isipin ang mga ginawa mong taktika upang malampasan ang lahat ng mga balakid sa pagkamit mo ng iyong mithiin na makarating sa finish line? Ikaw ang gumagawa ng aksyon sa iyong buhay. Ikaw ang nagbibigay sa sarili mo ng iyong kapalaran. Ikaw ang dapat sisihin. Ikaw ang siyang may kasalanan.

Sa buhay, madalas sinisisi natin ang iba kung bakit may mga kasawian tayong nadarama. Pero bakit di natin tignan ang ating sarili? Bakit di natin amining kahit sa maliit na paraan, tayo ri'y may nagagawang mali? Iyan ang problema sa tao. Iyan ang problemang lagi na lang nagpapababa sa sarili nating pagkatao. May ugali kasi tayong mapanisi. Dumarating pa sa atin ang mga pagkakataon na kahit ang Diyos ay sinisisi na rin natin. Masyado kasi tayong makasarili. Masyado ring perpekto ang tingin natin sa mundo kaya ano mang naisin natin ay ginagawa natin. Iyan ang totoo.

Ang larong karera ay pwede rin nating ikumpara sa buhay kolehiyo. Ang mga balakid ay ang iba't ibang subjects na kailangan nating maipasa. Ang mga kalaban naman natin sa larong iyon ang mga taong pilit tayong hinahatak pababa para di natin makamit ang ating mithiin. Ang barkada ay minsan rin nating nakakalaban lalo na sa panahong naiimpluwensyahan nila tayo na gumawa ng mga bagay na hindi naman natin dapat talaga ginagawa. Ang finish line ay ang ating mga goals sa buhay. Bilang isang estudyante, alam kong nais nating lahat na makatapos ng pagaaral at sa iba namay madagdagan pa ang kasiyahang iyon sa pmamagitan ng pagkakapasa sa Board Exams. Yun ang tunay na laro ng buhay- ang laro na dapat nating seryosohin, ang laro na dapat nating bigyang pansin.

Matapos kong mailahad lahat ng mga ideyang kanina pa nais kumawala sa aking isipan, isa na lamang ang nais kong gawin at iyon ay iwan ang katanungang ito. Papayag ka ba na matalo sa larong ito na handog sayo ng mundo?

0 comments:

Post a Comment